Isang Bukas na Liham..

Sa iyo,
 

Alam kong maraming bagay ang gumugulo sa utak mo ngayon. Mga bagay-bagay na maaaring dahilan kung bakit hindi mo ako matagpuan. Maaaring akala mo na isa lang ito sa mga bagay na nangyayari dahil malungkot ako. Maaari. Ngunit hindi.

Naiisip ko ang mga panahong kapiling kita. Kasama na ang mga sandaling naririnig ko ang bawat paghinga mo. At nararamdaman ko ang bawat pintig ng puso mo. Ngunit, ang lahat ng iyon ay bahagi na lang mga alaala na tinipon ko sa loob ng boteng inaanod-anod sa karagatan.

Sa lahat ng anupaman, alam ko na nandyan ka lang para sa akin. Kung paanong lagi akong nandyan para sa'yo, kahit sa pinakanakaiiritang paraan. Alam ko na kabisado mo rin ang bawat pag-imbay ng hangin kasunod ng mabilis na patak ng ulan. Alam ko. Dahil nasisilip kita sa gitna ng malamlam na liwanag ng buwan.


Pangarap kita.

Ngunit ikaw ang isang pangarap na hindi ko gustong abutin. Tama na nandyan ka kapiling ng mga bituin. Dahil natatakot akong hawakan ka at tuluyan mawala ang iyong ningning.

Alam kong darating din ang panahon na kailangan na nating magpaalam, malungkot man ngunit, hindi magkatambal ang ating mga ningas. Ako ay isang pundidong ilawan na nagpupumilit magbigay liwanag. at ikaw ay isa ngang bituin na kailangan lumabas mula sa mga ulap. Alam ko. Ang iyong pag-unlad ay isa namang dahilan upang ako ay maiwan. Ngunit mahal kita, ikaw at ang lahat ng bumubuo sa iyong pagkatao. Hangad ko ang pagkislap mo, hindi man sa akin, ngunit sa mga pangarap na minsan mong hinabi.

Ipangako mo man lang na patuloy mo akong babahaginan ng kahit konting liwanag. Lalo na sa mga panahong nagbabanta ang pagbalik ng nakaraan. Huwag mo muna akong bibitawan. Hahawak ako sa dulo ng iyong mga ngiti.


Hanggang dito na lang, lumalatag na ang dilim. Sana ay makarating sa'yo ang mensahe ko. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi kita matanaw sa langit.


Nagmamahal,

.....


2 comments:

Uy, ko-comment siya. Yesss naman, sana nagustuhan mo ang kwento ko. =)

 

About Me

My Photo
Hey, little stars, shine your brightest!

Follow by Email