Ang Ulan at Ang Mahabang Paghihintay

Dapat yata, hindi ko sinabi. Dapat yata, itinago ko na lang. Dapat yata, hinayaan ko na lang mawala ng kusa.


... ang babae ay itinakda lamang para maghintay. Nilagay ng lipunan sa sitwasyon kung saan ang bawat hakbang ay nakabase sa numerong inihanda ng bawat segundo ng orasan. Ako ay isang babae. ngunit..

Hindi ako si Maria Clara. Ako ay isang babaeng matagal nang lumabas sa kahon, isang taong sanay na nilalagpasan ang linya.


At ikaw, ikaw si Juan. Natakot ako sa'yo. Isa ka na namang Juan, katulad niya, isang taong suot ang maskara na ilang henerasyon ng pinagpasa-pasahan sa publiko. Naalala ko siya, at kung paanong ang isang babaeng tulad ko ang tumayo sa harap niya. Unti-unti. hanggang kaya na niyang iangat ang paa niya sa lupa upang itaas ang noo, at harapin ang mundo. Unti-unti. Hanggang mapalis ang sarili kong ngiti. Naririnig ko pa ang huling mga salita na binitawan niya. Si Juan, habang nangangakong siya ay magbabalik. At ako, habang pikit-mata na humakbang patalikod at naghintay. Naalala ko pa ang maraming mga pagkakataon na tumukod siya sa akin, at walang lingon-likod na hinarap ulit ang mundo. Paulit-ulit. Hanggang makasanayan na ang pait. Hanggang ang tanging alam ko na lamang ay ang maghintay sa isang taong hindi na pala magbabalik.



Celeste: Kung nagmamahal ka at di ka rin
siguradong babalikan ka anong tawag dun?

Ploning: Nagmamahal, kase ang nagmamahal nagtitiwala.


Nagtiwala ako. Nagmahal. hanggang naubos ang mahabang sinulid. At hanggang bumalik siya at iabot ang matalas na gunting. Putol na ang sinulid.

Sa isang bagong simula mula sa maikling pagtawid sa isang kahapon, nakilala kita sa gitna ng ulan. Ikaw, at ang mga bagay na bumubuo ng iyong pagkatao. Ikaw, ang isa pang Juan na ninais kong abutin. Unti-unti kong nilahad ang kamay ko, ngunit..


Gusto kitang hawakan. At sumama sa paglalakad sa gitna ng ulan. Natutuwa ako sa bawat patak nito. At sa bawat pangarap na nahahabi mula sa mahihinang tikatik. Nasanay akong tumawa kasabay ng iyong bawat paghinga, nasanay akong marinig ang tinig mo, kasabay ng iyong bawat itinatagong hikbi. hanggang..


Pinarinig ko saglit ang pintig na hindi mawari ang tunay mong saloobin. Sa isang saglit, nahawakan ko ang katiting mong pangarap, ngunit sa isang saglit lamang.


Minamahal kita. Ikaw lang.


..naririnig ko ang malakas na ulan. sa wari ay nanunukso..

ngunit, hindi ako natatawa tulad ng
dati, sapagkat, sa ilalim ng malamlam na liwanag ng gabi, nakikita kitang naglalakad,

palayo, sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.

1 comments:

Uy, ko-comment siya. Yesss naman, sana nagustuhan mo ang kwento ko. =)

 

About Me

My Photo
Hey, little stars, shine your brightest!

Follow by Email