Sanay na Akong Tumawid

October 27, 2007 Tsina 1 Comments

Hinawakan mo ang braso ko, katulad ng dati, tuwing nasa gitna tayo ng magulong kalsada. Tuwing nag-uunahan ang mabibilis na sasakyan, hahawakan mo ako ng mahigpit sa braso na parang ayaw mo ako mawala. At sasabihin mo na,Hay naku, ang bata. Tatawa lang ako. tatawa ka din. Parang nasanay na tayo sa ganun. Kusa ko nang ilalapit ang braso ko para hawakan mo ako, para alalayan mo ako. Tuwing hawak mo ako, nararamdaman ko na ipinagkakatiwala ko na rin sa'yo ang buong buhay ko. Pakiramdam ko, hawak mo na rin ang bawat pintig ng puso ko.

Sabi mo minsan, Paano kung wala na ako?. Ang sabi ko naman, Hindi ka naman mawawala, di ba? Ngingiti ka lang. Hihilig naman ako sa balikat mo.

Naaalala ko, ganun din ang sinasabi mo tuwing pumupunta tayo sa mga bagong lugar, sa mga pagkakataong naisip nating mamasyal sa mga lugar na hindi pamilyar sa atin.

Inaya kita sa Recto nun, gusto ko kasing mghanap ng mga second hand books, mura daw kasi dun. Marami pang options. Tinuro mo sa akin yung street na iyon, sabi mo tandaan ko iyon, ibig sabihin nun, malapit na bumaba. Hindi ko man lang tiningnan yung tinuro mo, hindi ko matandaan kung ano yung pangalan ng street. Ang natatandaan ko lang, sabi mo, bastos ang meaning nun sa Kapampangan. Tumawa lang ako. Kinulit-kulit mo pa ako para tandaan ko ang pangalan ng street na yun, nagbibiro pa ako nung sinabi ko na, Ayoko nga. nandyan ka naman, eh. At sinagot mo na naman yun, Paano kung wala na ako? Tumawa lang ako. Naisip ko, Imposible. Hindi ko alam na ang imposible pala ay posible rin kung minsan. Hindi ko inakala na totoo pala ang 'The End' sa mga kuwento.

Nakita kita, hawak mo ang braso niya. Patawid kayo sa kalsada. Nakita kita. Nakita ko siya. Sa gitna ng magulong kalsada. Nakita kita, nakangiti ka. Nakita ko siya, at kung paano ka niya tingnan. At nakita ko rin kung paano mo hawakan ang kamay niya. Hindi ko tuloy napansin ang parating na sasakyan. Buti na lang, nakita agad ako ng driver. Buti na lang. Gusto ko sanang sabihin sa driver na Pasensya na po, wala na kasi siya. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na iba na kasi ang kamay na hinahawakan mo.

Pero wala na pala siya, humarurot na pala palayo ang dyip. Katulad mo, wala ka na pala talaga.

Tinawagan mo ako. Ilang taon na rin pala ang nakalipas. Hindi ko na tinanong sa'yo kung nasaan na siya. Hindi ako nagtanong ng kahit ano. Ang sabi mo lang kasi sa akin, may kailangan tayong pag-usapan. Papunta na tayo sa restaurant kung saan naghihintay ang iba nang hawakan mo ang braso ko. Pero hindi na katulad ng dati. Lumayo ako sa'yo ng konti. Nilagyan ko ng distansya ang pagitan natin. Tiningnan mo ako, sinalubong ko ang tingin mo.

Ako ang unang nagbawi ng tingin. Tiningnan ko kung may parating na sasakyan. Nauna akong tumawid. Pero narinig ko pa rin ang sinabi mo, mahal pa kita. Malinaw na umabot sa akin ang mensahe mo sa kabila ng ingay ng mga sasakyan. Ngunit, hindi na kita nilingon. Tuluy-tuloy akong tumawid, habang nararamdaman ko ang mga tingin mo na sinusundan ang bawat hakbang ko.

Gusto kong sabihin sa'yo na alam ko na kung pa'no pumunta ng Recto kahit hindi ko naman natandaan yung street na sinabi mo.

Gusto kong itanong sa'yo kung bakit hindi ka bumalik agad kung mahal mo pa ako.

Gusto kong malaman kung bakit mo binitawan ang kamay ko.

Pero hindi ako nagsalita.

Nauna kong marating ang kabilang kalsada.

Paglapit mo, sinabi kong, sanay na akong tumawid mag-isa. 

Tumalikod ako at naglakad palayo sa'yo.

1 comments:

Uy, ko-comment siya. Yesss naman, sana nagustuhan mo ang kwento ko. =)

Blot

October 15, 2007 Tsina 3 Comments

Nagtataka ako kung anong meron sa akin at ayaw mo akong bitiwan.

Hindi ba sinabi mo noon na meron ka ng iba? Ang sabi mo pa nga, mas maganda, sosyal at maaasahan.

Pinaghirapan mo nga siya makuha. Matagal mo na nga binabanggit sa akin na siya ang pangarap mo.

At nung finally, makuha mo na siya, itinabi mo na ako. Naiintindihan naman kita, mas maganda pag bago. Naisip ko naman, bakit itinabi mo pa ako?

Pwede mo naman akong tuluyan ng alisin sa buhay mo.

Pero naalala ko, mahilig kang mamulot sa tabi-tabi. Hindi ko lang matandaan kung pinangarap mo din ako o pinulot mo lang sa isang tabi.


Ang alam ko lang, magkaiba kami sa lahat ng bagay. Pero kahit ganun, kasama mo naman ako palagi sa mga exams mo, sa mga desisyon na kailangan mong gawin. Kasama mo rin ako nang magpasya kang maging manunulat. At hindi ba, nasa tabi mo rin ako nung lisanin mo ang pagsusulat at maisipan mo na maglingkod sa mga estudyante sa ibang paraan? Hanggang magpasya ka na gusto mo nang mangarap na hindi ako kasama ...

Nalungkot ako.

Pero hindi ako nagreklamo, tahimik lang kitang tinitingnan. Pinapanuod ko kayong dalawa. Pinagmamasdan ko kung paano mo siya alagaan. Nakikita ko ang pag-iingat na ginagawa mo sa kanya.

Nanlalabo na ako.

Hindi ko na inaasahan na babalikan mo pa ako, pero kinuha mo ako sa pinaglagyan mo, hinawakan sandali. Pinagmasdan sandali. At isinama mo ako sa'yo sandali.

Oo, sandali lang. Dahil pagkatapos nun ay binalikan mo ulit siya. Inilagay mo naman ako sa isang sulok.

Hindi ko alam kung bakit ako nanatili. Pero alam ko, gusto mo ako makita kung saan mo ako iniwan.

Paulit-ulit. Sa mga sandaling binabalikan mo ako, at isinasama sa buhay mo, nakakalimutan ko ang tampo ko sa'yo. Nakakalimutan ko na kailangan mo lang ako pag wala siya. Hindi ko alintana na pagkatapos ng isang sandali, aalis ka at iiwan mo na naman ako.

At sa paulit-ulit na pangyayari na yun, namanhid na yata ako. Isa na lang ako sa mga nakasanayan mo. Isa na lang ako sa mga bagay na napaka-ordinaryo sa'yo.

Isang linggo, dalawa, tatlo..

Nakalimutan mo akong balikan sa sulok na pinaglagyan mo. Hindi mo man lang naalala na naghihintay pa rin ako sa kabila ng lahat.

At tuwing tinitingnan kita, nakikita ko ang kasiyahan mo habang kasama siya. Hanggang sa sulok na kinalalagyan ko ay nararamdaman ko ang pagmamahal mo sa kanya.

Pinili ko na lang ang tumahimik. At tumalikod sa inyong dalawa.

Hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa inyo. Ang alam ko lang hindi mo na ako kailangan.

Hanggang maramdaman kita na hawak mo na naman ako. Ayoko na. Gusto kong itanong sa'yo kung nasaan na siya. Pero hindi ko ginawa.

Inilapag mo ang papel na kanina mo pa hawak at pinirmahan. May tinta pa pala ako.

Pumirma ka ulit.

Isa.

Dalawa.

Wala na.

Nagba-blot na ako,

sa matagal na pananatili ko sa sulok na iyon.

3 comments:

Uy, ko-comment siya. Yesss naman, sana nagustuhan mo ang kwento ko. =)

Ang Smiley sa YM

October 11, 2007 Tsina 8 Comments

Paano ko ba sasabihing malungkot ang malungkot kung hindi mo rin naman maiintindihan?

Ngunit bakit nga ba kailangan mo pang maintindihan ang isang bagay na hindi mo naman talaga maiintindihan? Magulo ba?

Our emotions are self-contained. Unintentionally unshared.

Pero bakit gusto ko pa ring maintindihan mo ako?

Bukas. Hahanapin kita at sasabihin ko sa'yo na malungkot ako.

Hindi ko aasahang makikita sa mukha mo na maiintindihan mo ako. Ngunit mas lalo akong malulungkot kung makikita kong hindi mo nga ako naiintindihan.


Alam ko.


Invisible lang ako.

Magugulat ako kung maiisip mo na naka-online pala ako.

Mangingiti sa kulay pulang BUZZ.

Pwede ko nang isipin na naiintindihan mo ang laman ng utak ko.

Pwede ko nang isipin na kilala mo na pala ako.

Pero..

Hindi naman ang Yahoo Messenger ang nagpaintindi sa akin ng salitang malungkot, hindi naman sa pulang BUZZ ko nabasa ang lahat ng natutunan ko. Sandali, wala pala akong smiley sa YM. Na-o-auto disconnect ako. Sa paulit-ulit na pagkaputol ng linya, makadugtong ka pa kaya?

In your solitary moments, everything else will fade.

Pati ikaw..

Pati ako.

Bakit nga ba ako malungkot?

Sandali, itatanong ko sa ulan.

8 comments:

Uy, ko-comment siya. Yesss naman, sana nagustuhan mo ang kwento ko. =)