Sanay na Akong Tumawid

Hinawakan mo ang braso ko, katulad ng dati, tuwing nasa gitna tayo ng magulong kalsada. Tuwing nag-uunahan ang mabibilis na sasakyan, hahawakan mo ako ng mahigpit sa braso na parang ayaw mo ako mawala. At sasabihin mo na,Hay naku, ang bata. Tatawa lang ako. tatawa ka din. Parang nasanay na tayo sa ganun. Kusa ko nang ilalapit ang braso ko para hawakan mo ako, para alalayan mo ako. Tuwing hawak mo ako, nararamdaman ko na ipinagkakatiwala ko na rin sa'yo ang buong buhay ko. Pakiramdam ko, hawak mo na rin ang bawat pintig ng puso ko.

Sabi mo minsan, Paano kung wala na ako?. Ang sabi ko naman, Hindi ka naman mawawala, di ba? Ngingiti ka lang. Hihilig naman ako sa balikat mo.

Naaalala ko, ganun din ang sinasabi mo tuwing pumupunta tayo sa mga bagong lugar, sa mga pagkakataong naisip nating mamasyal sa mga lugar na hindi pamilyar sa atin.

Inaya kita sa Recto nun, gusto ko kasing mghanap ng mga second hand books, mura daw kasi dun. Marami pang options. Tinuro mo sa akin yung street na iyon, sabi mo tandaan ko iyon, ibig sabihin nun, malapit na bumaba. Hindi ko man lang tiningnan yung tinuro mo, hindi ko matandaan kung ano yung pangalan ng street. Ang natatandaan ko lang, sabi mo, bastos ang meaning nun sa Kapampangan. Tumawa lang ako. Kinulit-kulit mo pa ako para tandaan ko ang pangalan ng street na yun, nagbibiro pa ako nung sinabi ko na, Ayoko nga. nandyan ka naman, eh. At sinagot mo na naman yun, Paano kung wala na ako? Tumawa lang ako. Naisip ko, Imposible. Hindi ko alam na ang imposible pala ay posible rin kung minsan. Hindi ko inakala na totoo pala ang 'The End' sa mga kuwento.

Nakita kita, hawak mo ang braso niya. Patawid kayo sa kalsada. Nakita kita. Nakita ko siya. Sa gitna ng magulong kalsada. Nakita kita, nakangiti ka. Nakita ko siya, at kung paano ka niya tingnan. At nakita ko rin kung paano mo hawakan ang kamay niya. Hindi ko tuloy napansin ang parating na sasakyan. Buti na lang, nakita agad ako ng driver. Buti na lang. Gusto ko sanang sabihin sa driver na Pasensya na po, wala na kasi siya. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na iba na kasi ang kamay na hinahawakan mo.

Pero wala na pala siya, humarurot na pala palayo ang dyip. Katulad mo, wala ka na pala talaga.

Tinawagan mo ako. Ilang taon na rin pala ang nakalipas. Hindi ko na tinanong sa'yo kung nasaan na siya. Hindi ako nagtanong ng kahit ano. Ang sabi mo lang kasi sa akin, may kailangan tayong pag-usapan. Papunta na tayo sa restaurant kung saan naghihintay ang iba nang hawakan mo ang braso ko. Pero hindi na katulad ng dati. Lumayo ako sa'yo ng konti. Nilagyan ko ng distansya ang pagitan natin. Tiningnan mo ako, sinalubong ko ang tingin mo.

Ako ang unang nagbawi ng tingin. Tiningnan ko kung may parating na sasakyan. Nauna akong tumawid. Pero narinig ko pa rin ang sinabi mo, mahal pa kita. Malinaw na umabot sa akin ang mensahe mo sa kabila ng ingay ng mga sasakyan. Ngunit, hindi na kita nilingon. Tuluy-tuloy akong tumawid, habang nararamdaman ko ang mga tingin mo na sinusundan ang bawat hakbang ko.

Gusto kong sabihin sa'yo na alam ko na kung pa'no pumunta ng Recto kahit hindi ko naman natandaan yung street na sinabi mo.

Gusto kong itanong sa'yo kung bakit hindi ka bumalik agad kung mahal mo pa ako.

Gusto kong malaman kung bakit mo binitawan ang kamay ko.

Pero hindi ako nagsalita.

Nauna kong marating ang kabilang kalsada.

Paglapit mo, sinabi kong, sanay na akong tumawid mag-isa. 

Tumalikod ako at naglakad palayo sa'yo.

1 comments:

  1. natuwa nmn ako nung ma-realize ko na sanay nq tumawid.

    **ganito pla pag nag-comment sa sarili, haha. ;)

    ReplyDelete

Uy, ko-comment siya. Yesss naman, sana nagustuhan mo ang kwento ko. =)

 

About Me

My Photo
Hey, little stars, shine your brightest!

Follow by Email