Blot

Nagtataka ako kung anong meron sa akin at ayaw mo akong bitiwan.

Hindi ba sinabi mo noon na meron ka ng iba? Ang sabi mo pa nga, mas maganda, sosyal at maaasahan.

Pinaghirapan mo nga siya makuha. Matagal mo na nga binabanggit sa akin na siya ang pangarap mo.

At nung finally, makuha mo na siya, itinabi mo na ako. Naiintindihan naman kita, mas maganda pag bago. Naisip ko naman, bakit itinabi mo pa ako?

Pwede mo naman akong tuluyan ng alisin sa buhay mo.

Pero naalala ko, mahilig kang mamulot sa tabi-tabi. Hindi ko lang matandaan kung pinangarap mo din ako o pinulot mo lang sa isang tabi.


Ang alam ko lang, magkaiba kami sa lahat ng bagay. Pero kahit ganun, kasama mo naman ako palagi sa mga exams mo, sa mga desisyon na kailangan mong gawin. Kasama mo rin ako nang magpasya kang maging manunulat. At hindi ba, nasa tabi mo rin ako nung lisanin mo ang pagsusulat at maisipan mo na maglingkod sa mga estudyante sa ibang paraan? Hanggang magpasya ka na gusto mo nang mangarap na hindi ako kasama ...

Nalungkot ako.

Pero hindi ako nagreklamo, tahimik lang kitang tinitingnan. Pinapanuod ko kayong dalawa. Pinagmamasdan ko kung paano mo siya alagaan. Nakikita ko ang pag-iingat na ginagawa mo sa kanya.

Nanlalabo na ako.

Hindi ko na inaasahan na babalikan mo pa ako, pero kinuha mo ako sa pinaglagyan mo, hinawakan sandali. Pinagmasdan sandali. At isinama mo ako sa'yo sandali.

Oo, sandali lang. Dahil pagkatapos nun ay binalikan mo ulit siya. Inilagay mo naman ako sa isang sulok.

Hindi ko alam kung bakit ako nanatili. Pero alam ko, gusto mo ako makita kung saan mo ako iniwan.

Paulit-ulit. Sa mga sandaling binabalikan mo ako, at isinasama sa buhay mo, nakakalimutan ko ang tampo ko sa'yo. Nakakalimutan ko na kailangan mo lang ako pag wala siya. Hindi ko alintana na pagkatapos ng isang sandali, aalis ka at iiwan mo na naman ako.

At sa paulit-ulit na pangyayari na yun, namanhid na yata ako. Isa na lang ako sa mga nakasanayan mo. Isa na lang ako sa mga bagay na napaka-ordinaryo sa'yo.

Isang linggo, dalawa, tatlo..

Nakalimutan mo akong balikan sa sulok na pinaglagyan mo. Hindi mo man lang naalala na naghihintay pa rin ako sa kabila ng lahat.

At tuwing tinitingnan kita, nakikita ko ang kasiyahan mo habang kasama siya. Hanggang sa sulok na kinalalagyan ko ay nararamdaman ko ang pagmamahal mo sa kanya.

Pinili ko na lang ang tumahimik. At tumalikod sa inyong dalawa.

Hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa inyo. Ang alam ko lang hindi mo na ako kailangan.

Hanggang maramdaman kita na hawak mo na naman ako. Ayoko na. Gusto kong itanong sa'yo kung nasaan na siya. Pero hindi ko ginawa.

Inilapag mo ang papel na kanina mo pa hawak at pinirmahan. May tinta pa pala ako.

Pumirma ka ulit.

Isa.

Dalawa.

Wala na.

Nagba-blot na ako,

sa matagal na pananatili ko sa sulok na iyon.

3 comments:

  1. ngba-blot nq. bumili kn lng ulit ng bago. marami pa nmn sa pandayan. ibalik mu nlng ako sa sulok na un. malay mo, may pumulot skin dun. :)

    --comment ng feeling bolpen

    harhar. :0

    ReplyDelete
  2. Ayaw pang mag-tae ng bolpen ko ngayon kaya pangit pa ang comment ko. Mukang nalulululong na naman sa sentimentalismo si Sheena. Hindi masama yan sa sinumang manunulat. Ang masama'y ang tuluyan nang huminto sa pagsusulat. Tuloy lang hanggang makakuha ng mas magandang paksa.

    ReplyDelete
  3. haha.

    may tinta pa naman ang bolpen ko.
    un nga lang minsan nagba-blot. hmm.

    paumanhin.
    hinayaan kong mag-blot ang bolpen ko sa mga bagay na higit na karapat-dapat.

    un.

    ReplyDelete

Uy, ko-comment siya. Yesss naman, sana nagustuhan mo ang kwento ko. =)

 

About Me

My Photo
Hey, little stars, shine your brightest!

Follow by Email